Friday, July 30, 2010

Hindi nakakaaliw ikuwento ang isang break-up. Hindi rin nakakatuwang maranasan ito

Hindi nakakaaliw ikuwento ang isang break-up. Hindi rin nakakatuwang maranasan ito.

Kinabukasan matapos nating mag-break up, tinext ako ng isang long lost high school friend ng isang makakamot-ulong message. Sabi niya,"Hey bro, congrats! nahanap mo na pala siya! 'yung kaisa-isang babae dito sa mundo na titingin sa'yo na may halong malisya. Akala ko totoy ka na forever."

Sana lang napaaga siya ng bati para may libreng P500 load siya sa 'kin. Kaso, wrong timing.

Dalawang bagay ang na-realize ko matapos mabasa 'yung text message nitong kaibigan ko. Una, "Long lost ka talaga pare! Ngayon ka na nga lang nagparamdam, sabit pa. Ikaw ay isang testimonya na kahit napaka-advanced na ng teknolohiya natin pagdating sa komunikasyon, posible pa ring sumablay ang proseso ng information dissemination. Siguro Globe ka? Lahat posible.

Pangalawang realisasyon: Tama ang kaibigan ko, ikaw ang kauna-unahan at marahil ay kaisa-isang babaeng nagkamalisya (o nagkamali?) ng tingin sa akin. Alam mo bang ginuho mo ang mga naunang persepsiyon ko tungkol sa aking sarili? Ang lahat ng mga negatibo ay pinalitan mo ng mga magagandang bagay. Akala ko mahina ako. Pero nang pinagkatiwalaan mo ako ng iyong damdamin kahit sa loob lamang ng limang buwan, nagka-muscle ako bigla. Hindi mo man 'yon napansin dahil maliit pa rin ang mga braso ko, lumakas naman at naging mas masigla ang aking puso. At siyempre, mas lalo akong naging-corny, katulad ngayon.

Alam mo bang marami akong naranasan na akala ko dati'y sa pelikula lamang mangyayari?

Nung binilhan kita ng isang dosenang red roses, nahiya pa ako nun sa tindera ng Holland Tulips dahil nakangiti siya. Lalo akong nahiya nang makita ko itsura ko sa salamin. Napaka-dugyot ko! At may apog pa talaga ako na magpaka-sweet. Lalo pa akong nagitla habang nilalakad ang kahabaan ng Robinson's Mall dala-dala ang mga bulaklak para sa'yo. Pinagtitinginan kasi ako ng mga tao. Diyahe man pero nagawa ko rin! 'Di mo alam kung gaano ako kasaya nang makita kitang nakangiti habang inaabot ko ang sorpresa ko sa'yo.

Nakita mo ba kung gaano ako napapatahimik sa kaba habang ipinakikilala mo ako sa mga magulang mo? Matangkad ang tatay mo at halatang kagalang-galang. Tanong nang tanong naman ang nanay mo, mukhang naniniguradong hindi nakabingwit ng masamang lalake ang anak niya. Pero sa kabila ng intimadasyon na naramdaman ko sa mga oras na 'yon, naisip kong mapalad pa rin ako dahil napakabuti nila. Hindi ko malilimutan nang kasama natin silang mag-dinner nung birthday ko. Mabagal talaga akong kumain. Pero hindi mo ba napansin kung paano ako nag-subo-lunok para makasabay sa inyo? Nakakatawa talaga ang itsura ko! Kapag marami pang ulam na natira, hinahati-hati 'yun sa lahat para hindi masayang. Pero pansin kong marami talaga ang inilalagay sa plato ko ng nanay mo. Sabi niya siguro, "Kailangan mong tumaba, iho."

Nakakatuwa din ang lola mo, na napakahaba magdasal in perfect English. Kapag bumibisita ako sa inyo at inaabot ako ng mga alas-onse ng gabi, tila ugali na 'niya na lumabas sa kanyang kwarto upang silipin tayo. Madalas sa hindi, aalukin niya tayo ng saging. Kwela di ba? Siguro it runs in the blood, kasi mga pinsan mo at iba pang kamag-anak ay napakabuti din sa pakikitungo sa akin. Napatunayan ko ito nang magbirthday ang lola mo at halos nandoon lahat ng angkan at kaibigan niyo. Hindi ko man natandaan lahat ng pangalan at itsura nila, hindi ko makakalimutan ang kanilang mainit na pagtanggap sa akin.

Nasabi ko ba sa'yo na masarap kasama mga kaibigan mo? Alam kong itinuring din nila akong kaibigan kahit papano. Napaka-supportive nila sa atin, lalo na ang bestfriend mong si Jake. Ipinagbibilin ka niya sa akin parati. Sana hindi ko sila nadisappoint.

Sa loob ng limang buwan na nakasama kita, walang isang pagkakataon na nahirapan ako. Dahil higit pa sa isang sugar-coated term na "girlfriend" ang ginampanan mo sa aking buhay. Hindi mo lang alam kung gaano mo ako natulungan sa mga panahong wala akong masandalan. Simula ng maging tayo, lalo pang naging masaya ang gising ko sa umaga at paghimbing ko sa gabi. Walang katulad! Lalo akong naging mapagpasalamat sa Panginoon dahil ipinadama niya ang pag-ibig Niya sa akin sa pamamagitan mo.

Nakakatuwa lang talaga kung paano sinusulat ng Panginoon ang ating istorya. Kung kailan mas malapit na ako sa'yo... (1. ang trabaho ko ay nasa Vito Cruz, ikaw ay nasa PGH sa may Faura; 2. Lilipat na rin ako ng bahay within Manila area; 3. Mapapadalas na rin ako sa PAC kung saan ka rin nagsisimba)... saka naman wala na tayo. Kaya kung ako ay isang movie, sabi nga ng isang orgmate, ang pamagat nito ay So Close... so close na sana, sablay pa. Marahil ang theme song ay "Ironic" ni Alanis M.

Natatakot akong hindi na makahanap pa ng isang babaeng magkakamalisya sa akin. Kaya hindi ko ituturing na isang pagtatapos ang nangyari sa ating dalawa. Nagsisimula pa lang sukatin kung hanggang saan ang kaya kong itagal. Alam na natin simula pa lang kung gaano kahirap ang mga pagkakataon na dapat natin harapin, lalo na at may mga pangarap pa tayong kailangang abutin. Pero walang kaso dahil nakahanda akong umunawa. Mga bata pa tayo.

Gusto ko lang malaman mo na minsan lang dumaan ang isang babaeng tulad mo sa buhay ko. Sana maintindihan mo kung bakit mahirap ka talagang pakawalan. Baka hindi na maulit ang lahat ng ito.

Pansin mo bang ngayon lang ako nagkwento matapos halos ang isang linggong hindi na tayo? Dahil aaminin ko na hanggang ngayon, in denial pa rin ako. Hindi ko pa rin maiugnay sa aking sarili ang salitang "broken-hearted".

Hindi ba totoo? Kahit na sinong magaling na manunulat, idaan man sa biro, ay mahihirapan pa ring ikwento ang isang break-up? .. ..

No comments:

Post a Comment